Social Icons

Saturday, June 22, 2013

Sa mga ofw

Naranasan ko ang maging isang Overseas Filipino Worker. Kabilang ako sa libo libong Filipinong nagpasyang mangibang bansa noong 2004 matapos magkaroon ng dayaan sa halalang pampanguluhan. Noon, natanto kong wala nang pagasa. Na mas magandang ilaan ang buhay, talino at kinabukasan at mangamuhan sa dayuhan.

Halos tatlong taon akong nagsikhay sa Singapore. Binuno ko ang lungkot, ang hapdi ng pagiisa at pangungulila sa pamamagitan ng pagsisikhay sa aking trabaho. Nagbunga naman ang aking pagsisikhay---mula sa isang maliit lamang na kumpanya, napalaki namin ng aking amo ang kumpanya at ngayo'y isa na siya sa mga tinitingalang kumpanya sa buong mundo. Kumita ng malaki ang kumpanya. Na promote ako at tumaas din ang sweldo.

Hindi pera ang nagbunsod sa akin upang mangibang bansa. Nang mga panahong yaon, naging paraan ko upang makapag isip isip sa kung anong kinabukasan mayroon ako. May magandang oportunidad na manatili na lamang sa singapore at duon, ibukos ang buong lakas at talino sa serbisyo ng dayuhan. Mayroon din naman akong opsyon na muling bumalik sa lupang sinilangan upang duon mamatay ng may dangal.

Ngayon ko natatanto na darating din sa isang tulad ko ang panahon na kailangan mong pumili. Tulad na lamang ng tita ko. Mahigit tatlumpung taon na siyang nagtratrabaho sa england. May mga tanda na nais na niyang umuwi at dito na lamang manirahan. Ganyan din ang nagiging desisyon ng tito ko na nagtratrabaho sa yemen.

Ika nga, hindi ka habambuhay mangingibang bansa. Darating ang panahon na titingin ka sa silangan at aasamin mo ang iyong lupang sinilangan. Ngunit, minsan darating din sa iyo ang pagdududa.

Sa pagbabalik mo, anong lipunan ang daratnan mo? Sa karamihan, yaong lipunang inalisan mo ang siya mo ulit madaratnan sa sandaling nagpasya kang bumalik.

Nararapat sigurong maging bahagi ka ng pagbabago. Gamitin ang talino at karanasan mula sa ibang bansa upang payamanin ang sariling inang bayan.